Tanong: "Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga Anghel?"
Sagot: Ang mga anghel ay espiritwal na nilalang, mayroong aspeto ng katalinuhan, emosyon, at kalooban. Ito ay totoo sa kapwa mabuti at masamang mga anghel. Ang mga anghel ay mayroong katalinuhan (Mateo 8:29; 2 Corinto 11:3; 1 Pedro 1:12), nagpapakita ng emosyon (Lucas 2:13; Santiago 2:19; Pahayag 12:17), at nagpapakita na mayroon din silang kalooban (Lucas 8:28-31: 2 Timoteo 2:26; Judas 6). Ang mga Anghel ay espiritwal na nilalang (Hebreo 1:14) at walang totoong pisikal na katawan. Ang katototohanang ang mga anghel ay walang pisikal na katawan ay hindi nakakaapekto sa kanilang personalidad.
Ang Kaalamang mayroon ang mga anghel ay limitado lamang sapagkat sila ay mga nilalang lang din ng Diyos. Ibig sabihin nito hindi nila alam ang lahat ng bagay tulad ng Diyos (Mateo 24:36). Pero tila mayroon silang mas mataas na katalinuhan kumpara sa mga tao. Maaaring ito ay dahil sa tatlong sanhi. (1) Ang mga anghel ay ginawa ng Diyos na mas mataas na uri ng nilalang sa sanlibutan kumpara sa mga tao. Samakatuwid, simula pa mayroon na silang mas mataas na katalinuhan. (2) Pinag-aaralan ng mga Anghel ang Bibliya at ang mundo ng mas maigi kumpara sa mga tao kaya nakakakuha sila ng mga kaalaman dito (Santiago 2:19; Pahayag 12:12). (3) nakakakuha ng kaalaman ang mga anghel sa pamamagitan ng mahabang obserbasyon sa mga aktibidad ng sangkatauhan. Hindi katulad ng tao, hindi na kinakailangang pag-aralan ng mga anghel ang nakaraan, naranasan na nila ito. Samakatuwid, alam nila kung papaano ang magiging reaksiyon ng iba sa ilang mga sitwasyon at mahuhulaan nila kung ano ang gagawin natin sa mga kahalintulad na sitwasyon.
Bagaman mayroon silang sariling kalooban, ang mga Anghel ay, katulad ng lahat ng mga nilalang, nasasakop sa kalooban ng Diyos. Ang mga mabubuting Anghel ay ipinadala ng Diyos upang tulungan ang mga mananampalataya (Hebreo 1:14). Ang mga sumusunod ay ang mga aktibidad na tinutukoy ng Bibliya na ginagawa ng mga Anghel:
Nagpupuri sila sa Diyos (Awit 148:1,2; Isaias 6:3).
Sumasamba sila sa Diyos (Hebreo 1:6; Pahayag 5:8-13).
Nagagalak sila sa ginagawa ng Diyos (Job 38:6-7).
Nagsisilbi sila sa Diyos (Awit 103:20; Pahayag 22:9).
Humaharap sila sa Diyos (Job 1:6; 2:1).
Sila ay instrumento ng mga hatol ng Diyos (Pahayag 7:1; 8:2).
Nagdadala sila ng sagot sa mga panalangin (Mga gawa 12:5-10).
Tumutulong sila sa pagdadala sa isang tao tungo kay Kristo (Mga Gawa 8:26; 10:3).
Tumatalima sila sa Kristiyanong utos, Gawain, at paghihirap (1 Corinto 4:9; 11:10; Efeso 3:10; 1 Pedro 1:12).
Nagpapalakas sila ng loob sa mga panahon ng panganib (Mga Gawa 27:23,24).
Sila ang nangangalaga sa mga matuwid sa panahon ng kamatayan (Lucas 16:22).
Ang mga anghel at tao ay lubos na magkaibang nilalang. Ang mga tao ay hindi nagiging anghel matapos sila mamatay. Ang mga anghel ay hindi magiging tao, at hindi rin sila naging tao. Nilalang ng Diyos ang mga anghel, tulad ng paglalang Niya sa sangkatauhan. Hindi mababasa sa Bibliya na ang mga anghel ay nilalang na ayon sa kawangis ng Diyos, tulad ng tao (Genesis 1:26). Ang mga anghel ay mga espiritwal na nilalang na maaaring, sa isang antas, ay magkaroon ng pisikal na kaanyuan. Ang mga tao ay mga pisikal na nilalang, subalit mayroong espiritwal na aspeto. Ang pinakamalaking bagay na matututunan natin sa mga anghel ay ang kaagad at walang pagtatanong na pagsunod sa mga utos ng Diyos.
(from: http://www.gotquestions.org/Tagalog/anghel-Bibliya.html)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.